Sunday, September 04, 2011

BAGASO Katha ni Elvis Mendoza

Ala sais ng umaga biglang bumaligwas
Nalintikan si Dunyor tinanghali ng pulas
Kung may kaunti pa’y pihadong utas
Sa Mamay na inip na sa kasama pagluwas

Si Dunyor na ito kaya laging namumura
Saksakan ng pangkal kaya naman inaalta
Ang Mamay na bugnutin umantak pa ang rayuma
Hanap ang pang-garute, utoy kumaripas ka!

Maaga pang sinugo na sa kanya’y tumulong
Ang ulbo ng baboy lalagyan ng bubong
Nabagsakan ang paa nakupo’y luoy!
Nang mariparo’y pakloy na pakloy

Paagoy-agoy ang Mamay sadyang hilahod
Nahalabid pa sa puthaw tumama sa lulod
Pagdating sa bahay katal ang tuhod
Nasa balkon si Dunyor, harok ng harok

Nagmungkal ang Mamay sobra ang pasal
Wala namang inabot kahit tutong at bahaw
Hawot na natira di pa tinakluban
Aariin pa ga iyon ay pulapol ng bangyaw

Lumabas sa bunsuran nilimot ang siit
Sa binti ni Dunyor duon inihaplit
Pinadalwahan pa ng malapit sa singit
Pag tinatamaa’y abot ang ngibit

Pusikit na ang araw nang sila’y mag-imikan
Nang umikot ang baso nawala ang tampuhan
Isang boteng kwatro, kalamyas ang pulutan
Pagkatapos magbarek di lalo nagkaintindihan

Hindi magkaige lagi nang pangamit
Pag-uuwi naman sa bayan hiraman ng damit
Nakupo isang araw ang Mamay nag-ngitngit
Hiniram na puruntong pundiyo’y haklit

Ito palang si Dunyor kahapon ng umaga
Nagpunta sa ibayiw magnanakaw ng mangga
Sa pagdadali-dali at baka mahuli siya
Puruntong ng Mamay sumabit sa sanga

Hindi laang mangga ang kanyang pinipitik
Pati pipino sa tubuhan kahit bukikit
Manok na tagalog kanya ding pinapaltik
Sa Mama’y na kibal kanya din ang kabig

Maghapong nagpapagayo niyakyak ang tudling
Takbo sa ginapakan kahit puro uling
Liting sa sako ang ginawang hapin
Itinangad sa yabat sa hapon pupulunin

Kahit tiringka ang araw ay nahada
Litar ng litar wala man laang gura
Paguwi sa hapon agad ay bagna
Landang si Dunyor nagahoy yata

Ika ng matanda baka daw bubukalan
Baka daw lumubog huwag liliguan
Itong si Dunyor di matanong naman
Hindi nagsasabing natibuan ng laywan

Baka ika’y mabaynat pumirme ka sa bahay
Ang bagasong si Dunyor hindi mapulihan
Dala ay posporo pumasok sa suluyan
Akala’y mang-gagagamba tubuhan pala’y sisilaban!

Nang maglatang ang kayakas, si Dunyor kinabahan
Baka apoy ay lumaki’t sa patuto lumiban
Mga dagang tubo patakbo naglabasan
Kasunod si Dunyor parang binanging tulingan

Umuwi si Dunyor madilim na ang langit
Nasa likod ang Mama’y abot-abot ang kurit
Lilingos si Dunyor at tangkang iimik
Nadakot agad ng Mamay patilya’y nabinit
Palahaw si Dunyor, “din na ako uulit!”

Baka naman sa inyo’y may tinatamaan
Na ubod ng pangkal at sadyang tampalasan
O baka naman si Dunyor ay inyong kapangalan
Ang kwento pong ito’y gawa-gawa lamang
Pinagtagni-tagni ng malikot kong isipan

0 comments:

Post a Comment